HIGIT 1,000 TITULO NG LUPA, IPINAMAHAGI SA MGA BENEPISYARYO NG CENTRAL LUZON
Pormal nang natanggap ng 1,053 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Central Luzon ang 1,073 Land Titles na ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong April 27 sa Nueva Ecija Convention Center, Palayan City.
Ang mga benepisyaryong tumanggap ng titulo ng lupa ay mula sa mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Zambales, at Nueva Ecija.
Aabot sa 636 land titles ang ipinagkaloob sa 585 ARBs sa ilalim ng Regular Land Acquisition and Distribution Program ng DAR na may kabuuang sukat na 393 ektarya.
Habang nasa 709.04 hectares naman ang mapakikinabangan ng 438 qualified ARBs matapos silang mabigyan ng 437 electronic land titles (e-titles) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o Project SPLIT.
68.02 ektaryang lupain naman ng Palayan City ang ipinamahagi sa 30 ARBs ng lalawigan.
Sa kabuuan, nakatanggap ang lahat ng benepisyaryo ng Central Luzon ng 1,170.06 ektarya, na ayon kay Senator Imee ay ilang dekada nang hinintay.
Mismong sina DAR Secretary Conrado M. Estrella III at Regional Director James Arsenio Ponce, CESO III, kasama sina Senator Imee Marcos, Senator Francis Tolentino, at Nueva Ecija Governor Aurelio M. Umali ang nag-abot ng land titles sa farmer-beneficiaries.
Ginawaran din ng certificates of land ownership (CCLOAs) ang lahat ng Project SPLIT beneficiaries, bilang patunay na ang mga lupang ibinigay ng departamento ay kanila nang pagmamay-ari na kinatuwa naman ng mga benepisyaryo gaya na lamang ng isang lolang taga Talavera, Nueva Ecija na matagal nang pangarap magkaroon ng lupa na plano niyang ipamana sa kanyang mga apo.
Ayon sa DAR, mas paiigtingin pa ang pagpapatupad ng ganitong proyekto na layuning tulungan ang mga magsasaka upang mapigilan ang pagsasanla o pagbebenta ng mga lupang pansakahan.
Panawagan ni Senator Imee sa DAR ang sa modernisasyon ng mga kagamitang pansaka para mapalakas ang produksyon ng pagkain sa buong rehiyon.