DPWH: PAGSASAAYOS NG TABLANG BRIDGE, INAASAHANG MATATAPOS SA 2ND QUARTER NG 2023

Inaasahang matatapos ng Department of Public Works and Highways sa 2nd quarter ng taong 2023 ang pagpapagawa ng Tablang Bridge sa Palayan City pati na rin ang pagkukumpuni ng kalsada sa kahabaan ng Brgy. Calaanan Section sa bayan ng Bongabon.

Buwan ng Marso nang inspeksiyunin ni Nueva Ecija 2nd District Engineering Elpidio Trinidad kasama ang Assistant District Engineering na si Robert Jay Panaligan ang dalawang rehabilation project sa Nueva Ecija- Aurora Road na nagkakahalaga ng P19 milyon.

Ang Tablang Bridge ay isa sa mahalagang daanan ng mga manlalakbay papunta at galing sa mga munisipalidad ng Palayan City, Bongabon, Laur, at Gabaldon, hanggang Cabanatuan City at vice versa.

Habang ang proyekto sa Barangay Calaanan ay naglalayon na muling itayo ang bahagi ng kalsada na naguho dahil sa tubig na umaagos mula sa gilid ng bundok sa pamamagitan ng paggawa ng retaining wall.

Sinabi ni Trinidad na kanilang sinisiguro ang kaligtasan ng mga biyahero at para na rin maiwasan ang karagdagang pagsasara ng mga pangunahing kalsada.

Nagpahayag din ng kasiyahan si Assistant District Engineering Panaligan sa pag-usad ng mga proyekto dahil maraming mga motorista ang dumadaan dito lalo na sa Tablang Bridge.