EL NIÑO SA MGA BUWAN NG HUNYO, HULYO, AGOSTO, PINAGHAHANDAAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA

Pinaghahandaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang posibleng maging epekto ng El Niño pagdating sa agrikultura at kalusugan ng mga mamamayan sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto.

Base sa advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, maaaring maramdaman phenomenon sa susunod na tatlong buwan na maaaring pumalo sa 80 percent at pwedeng magtagal sa unang quarter ng taong 2024.

Sa direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lumikha ng panibagong El Niño Team na tututok sa pagtugon ng gobyerno sa banta ng paparating na weather phenomenon ay agad naman itong tinugunan ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali.

Kamakailan lamang ay nagpulong na ang support team ng Nueva Ecija na pinangunahan ni Provincial Administrator Alejandro Abesamis kasama ang ibat-ibang ahensiya ng kapitlyo na tutulong sa pamahalaan upang mas mapalakas ang paghahanda sa masamang epekto ng dry spell o El Niño.

Katulad na lamang ng Office of the Provincial Agriculturist na marapat paghandaan ang agrikultura sa lalawigan kaya nakipag-ugnayan ang ahensiya sa Department of Agriculture na magkaroon ng crop diversification o makapagtanim ng gulay ang mga magsasaka na hindi aabutin ng tubig sanhi ng tagtuyot.

Sa pamamagitan din ng National Irrigation Administration at Bureau of Soils and Water Management ay hiniling ng OPA na magkaroon ng cloud seeding para makatulong sa mga bukirin ng mga magsasaka.

Tiniyak naman ni Dra. Josie Garcia na handa ang Provincial Health Office sa pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko pagdating sa mga sakit na maaaring makuha sanhi ng kakulangan sa tubig tulad ng pagtatae, pagtaas ng presyon, at dehydration. Mayroon ding mga gamot na ibinibigay sa mga barangay ng bawat bayan at lungsod ang PHO at pagkakaroon ng teleconsultation. Alerto rin ang mga district hospital sa lalawigan maliban sa mga nangangailangan ng ICU kung sakaling mtindi ang maging epekto ng El Niño sa kalusugan ng mga Novo Ecijano.

Katulong din ang Provincial Cooperative and Enterprise Development Office o PCEDO sa pagbibigay ng impormasyon kung paano mas makakatipid ng tubig, ang Provincial Social Worker and Development Office o PSWDO katuwang ang DSWD sa pamamahagi ng mga relief para sa mga Novo Ecijanong mas maaapetuhan ng matinding krisis at ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO sa pagmomonitor ng lagay ng El Niño sa lalawigan na kanilang nirereport sa rehiyon.

Ang EL Niño ay isang weather phenomenon na nagpapamalas ng klimatikong kondisyon ng matinding init ng temperatura kung saan maliit ang tyansa na magkaroon ng mga pag-ulan.