PAGMAMAHAL NG ISANG LOLA SA KANYANG ASO, UMANTIG SA PUSO NG MGA NETIZEN
Lahat daw ay gagawin ng ina para sa kanyang mga anak, ngunit pambihirang pagmamahal ng isang Lola ang umantig sa puso ng mga netizen.
Liham na naglalaman ng tagubilin na mahalin at alagaan ang kanyang aso, ito ang natanggap ng Animal Kingdom Foundation mula sa nagpakilalang si Lola Ignacia ng Tondo Manila.
Ayon sa sulat, dahil nastroke ito ay hindi na nito maalagaan ang kanyang aso na hindi na rin nakatatayo kaya naman nakiusap siya sa isang tricycle driver upang ipaampon ang kanyang alagang aso.
Bilin nito sa kanyang liham na mahalin at alagaang mabuti ang kanyang aso kaakibat ang paghingi ng pasensya na hindi na nito maituloy ang pagiging fur parent.
Sa Facebook post ng Animal Kingdom Foundation ay sinagot nila ang liham ni Lola Ignacia upang ipaalam na nasa kanilang pangangalaga ang kanyang alaga.
Nangako din silang susundin ang bilin nitong mahalin at alagaan ang kanyang aso na ipagagamot din nila upang matukoy ang dahilan ng pagkakaparalisa nito.
Ipagdarasal din anila ang paggaling ni Lola Ignacia at bukas ang kanilang tanggapan upang muli niyang makasama ang kanyang mahal na alaga.
Dahil hindi naisulat ni Lola Ignacia ang pangalan ng kanyang aso ay pinangalanan nila itong Tonton na sa kasalukuyan ay nasa Capas, Tarlac.
Sa mga nagnanais magbigay ng tulong para kay Tonton para sa kanyang gamutan ay maaari kayong magpadala sa Gcash number na 09273403514 o sa BDO account ng Animal Kingdom Foundation na 0069 1011 0365 o sa BPI account na 1681 0015 88