PHP 3K AYUDA, IPINAGKALOOB SA MAHIGIT 600 CABANATUEÑO

Natanggap na ng 666 Cabanatueño ang tulong pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.

Dahil marami ang nawalan ng trabaho at mga pamilya na naapektuhan dahil sa pandemyang COVID-19 ay minabuti ni Governor Aurelio “Oyie” Umali na humiling kay Senator Loren Legarda upang matulungan ang mga trycicle driver, breadwinner ng pamilya, Persons with Disabilities at senior citizens.

Ayon sa political coordinator ni Senator Legarda na si Jenny Yuzon, ang pondong ginamit sa ginanap na Financial Assistance Program Payout sa Barangay Villa Ofelia, Cabanatuan ay nanggaling sa senadora bilang kanyang pasasalamat sa mga Novo Ecijanong patuloy na sumusuporta sa kanya.

Sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Jojo Daniel sa tulong ng DSWD-NE ay naging matagumpay ang pamamahagi ng P3, 000 sa mga benepisyaryo.

Pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga Cabanatueno dahil malaking tulong ang kanilang natanggap na ayuda mula sa senador lalo na’t sobrang taas na ng mga bilihin.

Ang AICS ay isa sa mga social welfare services ng DSWD na naglalayong makapagbigay ng kaunting tulong pinansyal sa mga mahihirap upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.