MOLECULAR LABORATORY SA SAN JOSE CITY, MALAPIT NANG MAGHATID NG SERBISYO SA PUBLIKO
Inaprubahan sa 16th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na tanggapan at lumagda bilang kinatawan ng Provincial Government ng Nueva Ecija sa Deed of Donation mula sa Department of Health-Central Luzon Center for Health Development (DOH-CLCHD) para sa mga medical equipment sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program 2022 para sa COVID-19 Molecular Laboratory na matatagpuan sa San Jose City General Hospital Compound.
Nagkakahalaga ang mga ito ng Php7, 900, 000 na kinapapalooban ng dalawampu’t dalawang mga machines at equipment na naka-install na umano sa naturang gusali.
Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josefina Garcia, ang Molecular Laboratory na ito na ipinagkaloob din sa probinsya ng DOH ay nalalapit na ring mai-turn-over o mailipat sa pangangalaga ng Pamahalaang Panlalawigan pagkatapos maisagawa ang mga dry run o testing ng mga equipment.
Kapag naikabit na ani Dra. Garcia ang pass box na kabilang sa counterpart ng Provincial Government na nagbibigay ng seguridad sa suplay ng kuryente para mapagana ang mga medical equipment at makapagtest run ay magsisimula na itong maghatid ng serbisyo sa publiko.
Sinabi ni Dra. Garcia na bagaman kaya ng mga kagamitang ito na matukoy ang HIV, TB, Liver infection at iba pang infectious diseases ay nakapokus muna sila sa testing ng mga specimen para sa COVID.
Naipagkaloob ang Molecular Laboratory na ito dahil sa kahilingan sa DOH ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsusumikap ni Governor Oyie Umali upang magkaroon ng sariling laboratory para hindi na kinailangan pang ibyahe ang mga sample specimen sa San Fernando, Olongapo City at Tarlac.
Maaari ding maserbisyuhan ng laboratory ang mga karatig na lalawigan kagaya ng Nueva Viscaya at iba pa.