MAHIGIT 400 PAARALAN SA CENTRAL LUZON, IPINATUPAD ANG BLENDED LEARNING DAHIL SA INIT NG PANAHON
Inanunsiyo ng Department of Education ang pagpapatupad ng “blended learning modality” sa 403 na eskwelahan sa Central Luzon dulot ng mainit na panahon.
Sinabi ni DepEd Central Luzon Regional spokesperson Michelle Lacson na binigyan ng karapatan ng DepEd ang mga punong-guro sa mga eskwelahan sa Gitnang Luzon na magkansela ng face-to-face classes.
Dagdag pa ni Lacson, bilang mga punong guro, nasa kanila ang desisyon at pagbabalanse kung karapat-dapat bang palitan ng online o modular ang klase para sa kaligtasan ng bawat mag-aaral.
Binigyang diin din ni Lacson na pinag-aaralan na ang posibilidad na pagbabalik sa dati ang school calendar kung saan ang klase ay nagsisimula tuwing buwan ng Hunyo at nagtatapos sa Marso o Abril.
Pakiusap ni Lacson sa mga magulang na maging mapagtiis dahil ginagawa ang lahat upang hindi maisakrispisyo ang pag-aaral at pagkatuto ng mga bata.