SENSITIBONG BALITA:
18 NAGSUSUGAL, INARESTO SA LIMANG BAYAN SA NUEVA ECIJA
Arestado ang 18 katao sa magkahiwalay na Anti-Illegal Gambling Operation ng Nueva Ecija Police na isinagawa sa mga bayan ng Pantabangan, Talavera, General Tinio, Zaragosa, at Laur noong May 14, 2023.
Sa Pantabangan, sinabi ni police head Major Roilan V. Gonzales na tatlong suspek ang nahuli habang naglalaro ng ilegal na “Pusoy” sa Barangay East Poblacion.
Ayon naman kay police chief Major Domingo Resma Jr., sinalakay ng kanilang operations unit ang Brgy. Bantug Hacienda, Talavera alas-8 ng gabi, at doon nahuli sa akto ang tatlong babae na pawang naglalaro ng “tong-its.”
Sa ikatlong operasyon na isinagawa sa General Tinio, pahayag ni police head Major Lawrence D. Lira na dinakip ng kanyang mga tauhan ang tatlong babaeng naglalaro din ng “tong-its” sa Sitio Saudi, Brgy. Pias.
Habang limang personalidad naman na pawang residente ng Benites Subdivision, Bgy. Concepcion West, Zaragosa, ang inaresto dahil sa paglalaro ng “pusoy”.
Sinalakay din ng mga pulis ang isang ilegal na pasugalan sa Sitio Bayog, Bgy. San Isidro, Laur kung saan nahuli ang apat na indibidwal na naglalaro ng “pusoy.”
Kinumpiska ng mga awtoridad ang mga gamit pagsusugal kabilang ang mga baraha, at bet money na aabot sa mahigit anim na libong piso.