KASO NG LEPTOSPIROSIS SA NUEVA ECIJA, TUMAAS SA 1ST QUARTER NG 2023- PROVINCIAL HEALTH OFFICE

May kabuuang 12 kaso ng Leptospirosis ang naitala sa Nueva Ecija habang isa ang nasawi mula Enero hanggang Marso ngayong taon.

Base sa datos na inilabas ng Provincial Health Office mula sa report ng Disease Reporting Units ng mga Rural Health Units at hospitals sa lalawigan, 71.43 percent ang itinaas mula sa pitong kaso ng naturang sakit sa parehong panahon ng 2022.

Sa tala ng PHO, mayroong tig-iisang kaso sa General Natividad, Nampicuan, Pantabangan, Rizal, Santo Domingo at Talugtug habang tig-dalawa sa Guimba, Palayan City at San Jose City kung saan nanggaling ang isang namatay sa Leptospirosis.

Pinakamaraming tinamaan ng sakit ang mga lalaki kaysa babae na nasa edad 21-30, sinundan ng 11-20 years old at 41-50 taong gulang.

Ayon kay Dra. Gloria Unciano, Provincial Government Department Assistant Head ng PHO, ang mga kaso ng leptospirosis ay nangyayari kahit sa panahon ng tag-init. Karaniwan sa binabantayan ng kanilang tanggapan ay ang mga nagtatrabaho sa bukid dahil dito mas madalas nakakakuha ng impeksiyon na hindi kaagad naaagapan kaya lumalala na ang kanilang karamdaman.

Dahil ang sakit ay maaaring makuha mula sa ihi ng daga na naiimbak sa kontaminadong tubig , pinayuhan ni Unciano ang publiko na maglinis ng kapaligiran at magsuot ng wastong gamit tulad ng bota.

Kung sakali namang makaramdam ng alinaman sa mga sintomas tulad ng pananakit ng tiyan, panginginig, pananakit ng ulo, mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, pagsusuka at paninilaw ng mata at balat ay mapakonsulta na sa doctor at pumunta na sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng karampatang lunas.

Ang PHO at Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali ay patuloy na nakikipag-uganayan sa mga RHU sa lalawigan upang makapagbigay ng gamot mula sa Department of Health upang maprotektahan ang mga Novo Ecijano laban sa bakteriyang dala ng Leptospirosis.