PRODUKSYON NG SIBUYAS, ITINURO NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA SA LALAWIGAN NG SORSOGON

Nagsagawa ng apat na araw na Expository Tour cum Onion Production Technology Training ang Office of the Provincial Agriculturist ng Nueva Ecija Provincial Government para sa Agricultural Extension Workers ng probinsya ng Sorsogon, kamakailan.

Sa panayam kay Provincial Agriculturist Bernardo Valdez ay sinabi nitong lumiham si Sorsogon Governor Jose Edwin Hamor kaya Governor Aurelio Umali upang matulungan silang magkaroon ng kaalaman sa pagsisibuyas.

Bunsod na rin aniya marahil ng naranasang pagtaas ng presyo ng sibuyas noong mga nagdaang buwan kaya nagdesisyon silang matuto at bilang Onion Capital of the Philippines ay ang lalawigan ng Nueva Ecija ang kanilang hiningan ng tulong.

Sa pakikipag-ugnayan na rin ani Valdez ng Provincial Agriculturist ng Sorsogon sa kanilang tanggapan ay naisakatuparan ang training kung saan itinuro sa 20 participants ang onion situation, seedling technology, production technology, pest and diseases, marketing at post-harvest handling.

Napag-alaman sa naging pagsasanay na kakaiba aniya ang klima sa probinsya ng Sorsogon dahil walong buwan na umuulan at apat na buwan na maaraw doon, kaya naman suhestiyon ng Nueva Ecija OPA na humanap ng ibang variety ng sibuyas na tolerable o maaaring mabuhay sa tag-ulan.

Sinabi ni Valdez na bilang ang Nueva Ecija ay pinakamalaking lupain na natatamnan ng sibuyas ay magandang pagkakataon na maibahagi ang mga kaalaman at maging bahagi ng ikatatagumpay ng iba pang mga probinsya pagdating sa produksyon ng sibuyas.