IRRIGATORS SA NUEVA ECIJA, NANANAWAGAN NA AYUSIN ANG PATUBIG SA KANILANG MGA PALAYAN

Inaasahang papalo sa tatlumpung porsyento ng produksyon ng palay sa Nueva Ecija ang maaaring bumagsak kung magpapatuloy at hindi umano aayusin ang daluyan ng tubig sa mga irigasyon sa lalawigan.

Sa isang panayam inihayag ni National Confederation of Irrigators Association treasurer and board of trustees member Dante Lazatin na magkakaroon ng problema, lalo na sa paparating na El Nino kung hindi aaksyunan ang super diversion canal na hindi direktang nagpapatubig sa mga palayan.

Ang pagpapanumbalik ng kaayusan nito ay may panukalang pondo na humigit-kumulang 1.5 bilyong piso.

Umaapela si Lazatin kay Pangulong Bong-Bong Marcos na kumilos ayon sa mga kahilingan ng pamahalaan na magbigay ng pondo para sa pagpapaayos ng daluyan ng tubig.

Umaabot aniya nsa 17, 000 hectares ng palayan ang walang access sa irigasyon na may limitadong suplay ng tubig mula sa kanal.

Batid naman ni Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. President Danilo Fausto na aabot sa 315,000 metric tons ang mababawas sa produksyon ng palay kung ang nabanggit na ektarya ng palayan sa Nueva Ecija ay patuloy na hindi maayos na mapapatubigan.