BAGONG KALSADA NA NAG-UUGNAY SA LUPAO AT MUNOZ, KOMPLETO NA

Maaari nang daanan ng mga motorista ang pinakabagong kalsadang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nag-uugnay sa Barangay Burgos, Lupao at Mangandingay, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Ayon kay DPWH Nueva Ecija 1st District Engineer Armando Manabat, ang 2.96 kilometro na kalsadang ito ay itinuturong magbibigay ng ginhawa sa mga motorista lalo na sa oras ng traffic.

Magsisilbi ring alternatibong ruta ang naturang daan para sa mga bumibiyahe mula sa Muñoz hanggang sa bayan ng Talugtug.

Nakikita naman ni Project Engineer Marvin Gavino ang kahalagahan nito sa pagpapalakas ng industriya ng agrikultura sa lugar dahil maaari itong gawing daanan para sa mas mabilis na paghahatid ng mga produktong-agrikultura sa mga kalapit na pamilihan.

Naipatupad ang 14.4 milyong pisong imprastrukturang ito sa pamamagitan ng Regular Infrastructure Program ng ahensya at pinondohan sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.