WAREHOUSE NA HILING NG MGA TAGA RIZAL, TINUPAD NG DA SA TULONG NG KAPITOLYO
Ipinagkaloob ng Department of Agriculture, sa tulong ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Aurelio “Oyie” Umali ang warehouse with dryer para sa asosasyon ng mga magsasaka sa bayan ng Rizal.
Ayon kay Adoracion Espejo , manager ng Aglipay Agriculture Cooperative, Oktubre noong 2022 nang gumawa sila ng request sa DA upang mapagkalooban ng warehouse.
Sinimulan noong March 28, 2023 ang paggawa sa naturang warehouse at dalawang buwan umano ang aabutin sa pagpapatayo nito kaya naman inaasahang sa June 9 ay magagamit na ito kasabay rin ng anibersaryo ng kooperatiba.
May sukat na 8 meters by 15 m o 120 square meters ang ipinapagawang warehouse with dryer na may allotted budget na 5-Million pesos.
Napag-alaman na nagsasagawa na rin ng training ang pamahalaang panlalawigan tungkol sa mga features ng warehouse at kung paano ito i-operate.
Malaking tulong para sa mga miyembro ng kooperatiba ang itinatayong warehouse sa pagpapatuyo ng palay lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Dagdag pa ni Espejo, hindi nila lilimitahan sa mga miyembro ng kanilang kooperatiba ang paggamit nito, kaya lahat ng mga magsasaka na walang bodega ay maaaring mag-paschedule sa paggamit ng warehouse kung saan susundin nila ang first come, first serve rule.