KALIGTASAN SA DAAN, TRAFFIC SIGN, ROAD MARKING, MAHALAGANG ALAM NG MGA DRIVER
Sa mga nakalipas na araw, maraming balita ang lumabas tungkol sa mga aksidente sa kalsada at ang iba’t-ibang sanhi nito tulad ng Ilan sobrang bilis na pagpapatakbo ng sasakyan, maling paraan ng pag-overtake, maling pagliko at ang hindi pagsunod sa lane markings o yung mga guhit na nagsisilbing gabay sa daan.
Iba-iba ang anyo ng lane markings pero iisa lang ang layunin nito—ang makapagbigay ng gabay at babala sa mga motorista.
Narito ang mga lane markings na matatagpuan sa kalsada at kung ano ang ibig sabihin nito:
1.Putol-putol na puting linya o broken white center lines
Ang linya na ito ay nangangahulugan na maaaring mag-overtake ang isang sasakyan o lumipat ng lane basta tiyakin muna na walang sagabal o walang kasalubong na sasakyan.
2.Rumble Strips
Ito ay magkakalapit na pahalang na puting linya na dinisenyo para magbigay babala sa mga motorista na mag slow down dahil paparating na sa hazard zone o intersection. Ito ay madalas makita sa mga pangunahing kalsada katulad ng NLEX at SCTEX. Kapag nadaanan, ang driver at mga pasahero nito ay makakarinig at makakaramdam ng vibration sa kanilang sasakyan.
3.Linya na puti na tuluy-tuloy o walang patid – Solid white center line
Ang ibig sabihin ay manatali lamang sa inyong lane at huwag lumipat o mag-overtake. Maaari lamang mag-overtake kung mayroong di inaasahan na nakaharang sa daan, siguraduhin lamang na walang paparating na sasakyan.
4.Dalawang dilaw na linya na tuluy-tuloy at walang patid – Double solid yellow center line
Ang ibig sabihin ng linyang ito ay mahigpit na ipinagbabawal ang paglipat ng lane o pag-overtake dahil mapanganib. Ang dilaw na linya na ito ay kadalasang makikita sa mga tulay, nangangahulugan din na delikado o hazard zone ang lugar.
Mas mabilis ang takbo ng mga sasakyan na dumaraan dito kumpara sa daan na may marka na barrier line double solid yellow lines. Madalas din itong makita sa mga multi-lane na kalsada.
Putol-putol na linya na nakapaloob sa dalawang dilaw na tuluy-tuloy na linya o barrier line double solid yellow lines
Ipinagbabawal lumipat sa kabilang linya at mag-overtake ang mga sasakyan na dadaan dito maliban kung pinahihintulutan ng tagapamahala o traffic enforcer. Mas mabagal ang takbo ng mga sasakyan na dumadaan dito kumpara sa daan na may marka na double solid yellow line.
5.Dobleng linya na puti, ang linya na nasa gawi mo ay putol-putol – Mixed solid and broken center lines
Kadalasang nakikita ang linya na ito bago at pagkatapos ng pa-kurbang daan. Kung ang linyang putol-putol ay nasa side ninyo, maaari kang lumipat ng lane o mag overtake ng may pang-iingat.
Kung ang linya naman na malapit sa yo ay walang patid o putol, hindi ka maaaring mag-overtake o lumipat sa kabilang lane dahil ito ay mapanganib.
6.Stop line
Ito ang puting linya bago ang pedestrian line na nagpapahiwatig kung saan dapat huminto ang mga sasakyan. Hindi dapat lumagpas ang sasakyan sa linyang ito dahil maaaring makaharang sa mga tumatawid na pedestrian.
7.Pedestrian lane
Ito ang tawiran ng mga tao kaya dapat ay mag doble ingat. May mga pedestrian lane na signalized o may gabay na traffic light, at may non-signalized o walang gabay na traffic light. Ang paghinto o pagharang sa crossing na ito ay pwedeng patawan ng traffic violation kaya dapat ay mag slow down at padaanin ang mga tatawid.
8.Intersection line or yellow box
Ang dilaw na kahon na may ekis sa loob ay ang intersection line o yellow box. Mahalaga na laging bakante at di ito nahaharangan para hindi maging abala sa mga dadaan na sasakyan. Kung huminto man ang daloy ng trapiko sa kabilang linya at mag kulay berde ang traffic light, hintayin muna na may sapat na distansya ang iyong sasakyan para makapasok sa linya na iyong pupuntahan upang manatiling bakante ang loob ng intersection.