GYM NG LAZARO FRANCISCO INTEGRATED SCHOOL, MULING PINAGANDA

Muling pinaganda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang multipurpose gymnasium ng Lazaro Francisco Integrated School sa Cabanatuan City.

Ito ay matapos tuluyang sirain ng Bagyong Karding ang mga parlings at yero ng gym noong September 2022 dahilan para hilingin ng pamunuan ng nasabing eskwelahan ang pagsasaayos nito para sa kapakanan ng kanilang mga estudyante.

Matatandaan na ilang matitinding bagyo na rin ang nagdaan tulad ng Pedring, Santy, Lando, at Nona na sadyang nanira sa mga imprastraktura, agrikultura at mga ari-arian sa lalawigan ngunit nanatiling matibay ang himnasyo simula nang ipatayo ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali noong siya kongresista pa lamang ng ikatlong distrito.

Sa pamamagitan ng Provincial Engineering Office ay agad na tinugunan ni Gov. Oyie sa tulong ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Gov. Anthony Umali ang pagpapaganda ng kanilang multipurpose gym na ngayon ay nagmistulang bago ayon kay Rommel Eugenio, Head Teacher 1 ng paaralan.

Lubos itong ikinatuwa ng mga magulang, guro at mag-aaral dahil komprotable na ang mga mag-aaral sa tuwing may mga aktibidad na idinaraos sa eskwelahan maging ang lingguhang flag ceremony at mga physical activities na dito ginaganap.

Bukod dito ay napapakinabangan din ang nasabing gym bilang evacuation center ng mga CabanatueƱong naninirahan sa Brgy. Rizdeliz, Matadero, at Bonifacio sa tuwing aabutin ng baha ang kanilang lugar.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga mag-aaral ng Lazaro Francisco Integrated School dahil maayos na nilang nagagamit ang ipinatayong gym nina Gov. Oyie at Vice Gov. Anthony.