PAGSASANGLA NG ATM CARD NG MGA BENEPISYARYO NG DSWD, ILLEGAL

Binalaan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mga benepisyaryo ng cash transfer subsidy program laban sa pagsasangla ng kanilang Automated Teller Machine o ATM card bilang pambayad sa utang.

Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na maituturing na illegal ang “sangla-ATM” scheme dahil labag ito sa kanilang pinaiiral na patakaran.

Aniya, may kaukulan itong parusa kabilang na ang posibleng pagkakatanggal ng isang miyembro sa listahan ng ahensiya at kawalan ng karapatan sa anumang magiging programa ng pamahalaan sa mga susunod na panahon.

Paliwanag ni Gatchalian, sa sandaling ibigay ng benepisyaryo ang kanyang cash card sa ibang tao ay ito na ang nagiging bagong beneficiary ng programa.

Nanawagan ang DSWD sa publiko na ipaalam agad sa kanilang tanggapan ang mga benepisyaryong sangkot sa pagsasangla ng ATM card upang maimbestigahan at maaksyunan.

Base sa survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong 2022, umaabot sa 2.6 percent ng mga indibidwal ang napipilitang magsangla para makautang sa loan shark.

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng BSP ang mga mamamayan na iwasan ang “sangla-ATM” scheme na maaaring magresulta sa financial troubles sa hinaharap.