Magkatuwang ang Central Luzon State University o CLSU at Provincial Government of Nueva Ecija sa ikalawang taon ng SAlamin NG Ganda at Hayag na Yamang Kultural o SANGHAYA Festival na idinaos sa SM City Cabanatuan kamakailan.
Ang nasabing atibidad ay may temang “Lakbay Digital sa Kasaysayan at Yaman ng Nueva Ecija”, na naglalayong isulong at ipakita ang kultura at mga pamana o heritage ng mga lungsod at munisipalidad sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Tourism Officer Atty. Jose San Pedro, nakasentro sa ginanap na aktibidad ang provincial quiz bee at visual art contest tungkol sa history at kultura na nilahukan ng mga dibisyon ng paaralan mula sa Nueva Ecija.
Wagi sa tagisan ng talino sa Junior Highschool ang Division of Gapan, 2nd place ang Division of Nueva Ecija, 3rd place ang Division of Cabanatuan at 4th place ang Division of Science City of Muñoz. Habang ang nanalo sa Senior High School ay ang Division of Cabanatuan, 2nd place ang Division of Nueva Ecija, 3rd place ang Division of Gapan at 4th place ay ang Division of Science City of Muñoz.
Samantala, sa isinagawang painting contest, nakamit ni Jonash Carino ng Mayapyap ang kampeonato sa Junior Highschool, 2nd place si Lebrone Jachob P. Cariaga ng Nueva Ecija University of Science and Technology, 3rd place si Cyrill Myles S. Delos Santos ng Santa Cruz National High School at 4th place si Eurie Cruz ng Bongabon National High School.
Sa painting contest ng Senior Highschool, nagwagi ang pambato ng Eduardo L. Joson Memorial High School na si Rhona Marie T. Duque, 2nd place naman ay mula sa San Nicolas National High School na si Gunther B. Sta Maria, 3rd place ang naiuwi ng Santa Rosa National Highschool na si Izza Manuela Pasigna at 4th place ay nasungkit ng Santa Cruz National High School na si Princess Angeline Villareal. Ang mga nagwagi ay nag-uwi ng cash prize handog ng kapitolyo sa pamumuno nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali at certificate na nanggaling sa CLSU.
Lubos naman ang pasasalamat ni Dr. Jay C. Santos, Dean ng College of Arts and Social Sciences sa Pamahalaang Panlalawigan at sa lahat ng mga estudyante at paaralan na nakiisa sa aktibidad.
Kasabay nito ay inilunsad ng Provincial Tourism Office ang “Never Ending App” na isang mobile application para makilala ang kultura at likas na pamana gayundin ang iba’t ibang turismo na matatagpuan sa bawat sulok ng lalawigan.