Hinikayat ni Governor Aurelio Umali sa kanyang programang Usapang Malasakit sa Lipunan ang mga Mayor sa bawat bayan at lungsod ng Nueva Ecija na magkaloob sa mga permanenteng empleyado ng Service Recognition Incentives.

Ayon kay Governor Oyie, nararapat lamang na bigyan ng pagkilala ang serbisyo at paglilingkod ng mga kawani ng bawat Local Government Units, dahil itinuturing ng Punong Panlalawigan na ang sama-samang pagseserbisyo ng bawat kawani ay nagsisilbing lakas ng lokal na pamahalaan para sa pagsasakatuparan ng mga programa at pagkakaroon ng mga parangal dahil sa maayos na pamamahala.

Matatandaan na naipagkaloob na ang SRI ng mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan noong nakaraang linggo kung saan ang pinakamalaking halaga na Php20, 000 ang kanilang natanggap sa pagsusumikap ni Governor Oyie.

Ang sekreto ani Governor Oyie sa kakayanan ng Provincial Government na maipagkaloob ito sa mga kawani ay ang Good Financial Housekeeping o maayos na pamamahala sa pondo.

Sinabi din niya na mabibilang sa daliri kung ilan lamang sa mga LGUs sa lalawigan ang nakakapagcomply o nakakapagbigay ng SRI sa kanilang mga empleyado.

Para sa gobernador paano masasabing ang isang LGU ay nakapagbibigay ng mahusay na pagseserbisyo kung hindi nito uunahin ang kapakanan ng mga kawani nito, kaya hinihikayat nito ang mga Punong Ehekutibo na lahat sana ay makapagbigay ng SRI sa kanilang mga permanenteng empleyado.