VLOGGER NA TUMULONG SA MAGSASAKA, NAPUKAW ANG ATENSYON NG GOBERNADOR

Isang vlogger ang nagbahagi ng kwento ng magsasakang si Edgardo Franco mula sa Barangay Bulakid, Guimba, Nueva Ecija na napaiyak matapos niyang maibenta ang kanyang palay sa presyong P7 kada kilo.

Pumukaw ng atensyon online ang video at napanood din ni Governor Aurelio Umali.

Dahil dito ay nais sanang bilhin ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Umali ang mga palay ni Edgardo sa mas mataas na halaga sa pamamagitan ng Provincial Food Council (PFC), ngunit naibenta na umano ito bago pa man makarating sa kanila ang balita.

Kaya naman sa pamamagitan ng TV48, nakipag-ugnayan si Ronilo Ciriaco Jr. o mas kilala sa kanyang vlog na “Buhay Karera JRTV” na kung maaari ay ang bilhin na lang ay ang inaning palay ng kapatid ni Edgardo na si George Franco, at agad namang tinawagan ng PFC si George.

Ayon kay Ronilo, hindi niya kayang tulungan isa-isa ang lahat ng magsasaka, kaya ginagawa niya ang kanyang vlogs upang ipaabot sa mga nakakataas ang kanilang mga hinaing, lalo na ngayong mababa ang presyo ng palay.

Samantala, ayon kay George, umani siya ng 201 na kaban, at naibenta niya ito sa PFC sa halagang P15 kada kilo, na mas mataas kumpara sa farm gate price na P7 hanggang P8.

Ikinuwento rin niya ang hirap sa transportasyon ng palay mula bukid papuntang kalsada, dahil hindi kayang pasukin ng sasakyan ang kanilang bukid.

Umaabot sa P60 kada kaban ang gastos sa transportasyon, dahil P20 sa karyada papuntang ilog, P20 sa bangka, at P20 sa karyada mula sa pangpang hanggang sa kanilang bahay.

Dagdag pa ni George, sa pagsasaka niya binuhay ang kanyang sampong anak, kaya malaking tulong aniya ang pagbili ng Kapitolyo sa kanyang ani, dahil hindi siya malulugi sa kanyang mga naging sakripisyo at gastusin.

Panawagan din niya sa mga lokal na pamahalaan sa ibang lugar na sana ay tularan ang ginagawa ng gobernador ng Nueva Ecija upang matulungan ang mas marami pang magsasaka sa buong bansa.