TRABAHO PARA SA MAHIGIT 1-M FILIPINO SKILLED WORKERS, HANDOG NG SAUDI ARABIA – DMW
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers o DMW na magha-hire ang Kingdom of Saudi Arabia ng isang milyong skilled Filipino workers sa loob ng 24 na buwan o dalawang taon.
Inihayag ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na magkakaroon ang ahensiya ng special hiring program para makamit ang kailangan ng KSA na mga trabahador na nasa tourism industry gaya ng nasa sektor ng hotel and restaurant, hospitality industry, construction at information and technology.
Gayunman, binigyang-diin ni Ople na kailangang balansehin ng pamahalaan ang panawagan ng Saudi Arabia para sa mas maraming manggagawang Pinoy sa hiring demand ng mga lokal na kumpanya.
Sa ikalawang linggo ng Hunyo ay nakatakdang bumisita sa bansa ang technical team ng KSA para pag-usapan ang mahahalagang mechanics at kakailanganing pagkuha ng skilled workers.
Sa kasalukuyan, nasa 700,000 mga Pinoy ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia mula sa dating 1.5 milyon bago manalasa ang pandemya noong 2020 kaya target ng naturang bansa na maibalik sa dating normal na bilang ang mga nagtatrabahong Pilipino roon
Bukod sa KSA, sinabi rin ni Ople na interesado rin ang United Arab Emirates para sa bilateral talks kaugnay naman sa hiring ng Filipino health workers.

