DSWD FOOD STAMP BENEFICIARIES, OBLIGADONG PUMASOK SA JOB PROGRAMS NG DOLE AT TESDA

Opisyal nang inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kailangang may trabaho ang magiging benepisyaryo ng P40-bilyong “food stamp project” ng ahensya.

Sinabi ni DSWD Undersecretary Eduardo Punay na sa ilalim ng “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” ng gobyerno, ang bawat benepisyaryo ay oobligahin na mag-enroll sa job-generating programs ng Department of Labor and Employment o DOLE at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Sa pamamagitan nito ay mababawasan umano ang kultura ng pagiging palaasa ng mga mahihirap na Pilipino sa mga ayudang ibinibigay sa kanila ng pamahalaan.

Kabilang sa mga programa ng DOLE ay ang ‘job fairs’ at ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD). Ilan naman sa programa ng TESDA na maaaring lahukan ng mga benepisyaryo ang ‘vocational at skills training’ para sa mga hindi makapag-aral ng kolehiyo at requirements sa trabaho.

Sa pagtaya ng DSWD, umaabot sa isang milyong benepisyarypo ang makikinabang sa nasabing programa kung saan kabilang dito ang mga kumikita ng mas mababa pa sa P8,000 kada buwan at hindi kayang kumain ng higit sa isang meal kada araw.

Tatanggap ang mga benepisyaryo ng P3, 000 kada buwan na ipamamahagi sa pamamagitan ng tap cards na pinili ng DSWD sa tulong ng Philippine Statistics Authority o PSA.

Nilinaw din ng DSWD na hiwalay ang “food stamp program” sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at sa Assistance for Individuals in Crisis Situations.