SENSITIBONG BALITA
TANOD NG BARANGAY, SINAPOK, NABAGOK, PATAY; PAMILYA, SUMISIGAW NG HUSTISYA
Sinampahan na ng kasong homicide sa Provincial Prosecutor’s Office ng San Fernando Pampanga ang isang tanod na nakapatay ng kapwa nito tanod sa Barangay Suclaban, bayan ng Mexico sa nasabing lalawigan.
Kinilala ang suspek na si Agustin Jimenes, 59 years, at ang biktimang si Restituto Castaňeda, sisenta anyos.
Base sa spot report ng Mexico Municipal Police Station, ala una ng hapon noong May 19, 2023 nang mag-inuman ang dalawa kasama ang iba pa nilang kabarangay sa Caridad Resort sa Brgy. Acli, Mexico, Pampanga.
Dakong alas syete trentay singko ng gabi nang magkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima na nauwi sa panununtok, pagtulak at pagkabagok ng ulo ng biktima na agad itinakbo sa pagamutan.
Ayon sa post ng anak ni Restituto na si Aillen Carlos, ipinaalam sa kanila ng isa pang tanod na dinala sa pagamutan ang kanilang tatay dahil daw nadulas ito bunsod ng kalasingan, ngunit nang madatnan nila ito sa ospital ay kalunos-lunos aniya ang itsura nito dahil walang malay at duguan na nakadukdok sa wheelchair.
Kita din umano ang malaking bukol nito sa ulo at ang black eye kaya naman nagduda ang pamilya sa kung ano ang totoong sinapit ng kanilang padre de pamilya.
Sa kuha ng CCTV sa resort ay makikita ang biktima habang naglalakad palapit sa suspek at nang makalapit ay sinuntok siya ng suspek tsaka itinulak dahilan kaya natumba ito ng pahiga at nabagok ang ulo.
Lumabas sa death certificate ng biktima na ang dahilan ng pagkamatay nito ay cardiac arrest na may antecedent cause na cerebral hemorrhage at underlying cause na traumatic head injury.
Dahil sa nakita sa CCTV kaya nagpasyang magsampa ng kaso ang pamilya laban kay Jimenes na kasalukuyan pa ring nakalalaya

