SENSITIBONG BALITA:
DALAWANG SUSPEK SA PANANALISI, ARESTADO SA BAYAN NG PANTABANGAN
Nahaharap sa kasong Theft o pagnanakaw, at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang magkasabwat sa pananalisi sa Nicole Richie’s Fashion Boutique sa Barangay East Poblacion, Pantabangan noong June 3, 2023.
Kinilala ang mga suspek na isang 33 years old na babae, at isang bente singko anyos na lalaki na kapwa residente ng Barangay Sto. Niño 2nd, San Jose City.
Base sa report ng Nueva Ecija Police, bandang 7:35 ng umaga nagpanggap na mga customer ang dalawa. Inilihis umano ng babaeng suspek ang atensyon ng saleslady habang kinukuha ng kasama nitong lalaki ang black Samsung Galaxy A12 cellphone na pag-aari ng saleslady.
Sinubukan umanong tumakas ng dalawa sakay ng blue Kawasaki CT 125 ngunit nakipagbuno sa mga ito ang biktima.
Sa pagresponde ng mga pulis ng Pantabangan naaresto ang mga suspek at nakumpiska sa isinagawang body search ang isang homemade Caliber .45 na baril na kargado ng anim na bala at ang cellphone na ninakaw sa saleslady.