HALO-HALO, SORBETES, PASOK SA “WORLD’S BEST FROZEN DESSERTS” NG TASTE ATLAS

Pasok sa “World’s Best Frozen Desserts” ng food and lifestyle website na Taste Atlas ang halo-halo at sorbetes na kilalang panghimagas ng mga Pinoy.

Humanay sa ikalimang bilang ang sorbetes at nasa Top 43 naman ang halo-halo.

Ayon sa Taste Atlas, isang sikat na Filipino ice cream ang sorbetes na gawa sa gatas ng kalabaw at may iba’t ibang flavor tulad ng manga, tsokolate, keso, niyog at ube.

Bagaman tunog pamilyar daw ito sa sorbet na nagmula sa Spanish sorbete ay hindi ito isang sorbet kundi isang dirty ice cream na inilalako sa kalsada.

Pinuri naman ng Taste Atlas ang halo-halo na may mga pinaghalong iba’t ibang prutas at beans na mayroong saging, langka, buko, kamote, ube, leche flan, mais at iba pa.

Base din sa website, ang halo-halo ay itinitinda ng mga Japanese vendors bago ang pananakop sa Pilipinas noong 1940’s.

Nanguna naman sa listahan ng naturang website ang “bastani sonnati” ng Iran, kasunod ang “queso helado” ng Peru, at sinundan ng “Dondurma” ng Turkey at pang-apat ang “Frozen custard” ng Amerika.