DENR, VOLUNTEERS, NAGSANIB-PWERSANG MAGTANIM AT MAGLINIS NG MGA ILOG, KANAL SA CENTRAL LUZON

Nagkaisang maglinis at magtanim ng puno ang Department of Environment and Natural Resources at humigit kumulang 1,300 manggagawa at volunteers sa Central Luzon bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Environment Day.

Layunin ng malawakang clean-up na mabawasan ang polusyon ng plastic at mapanatiling maayos at malinis ang daluyan ng tubig sa ilog at sapa mula sa mga basura.

Inihayag ng DENR na nasa 570 cubic meters ng solid waste ang kanilang nakolekta sa mga coastal areas at waterways sa mga munisipalidad ng Casiguran at Baler sa Aurora, Orani sa Bataan, Obando sa Bulacan, at mga lungsod ng Cabanatuan at San Jose sa Nueva Ecija.

Idinaos din ang nasabing aktibidad sa San Fernando City ng Pampanga, Tarlac City sa Tarlac at mga bayan ng Botolan, Masinloc at Olongapo City sa Zambales.

Bukod dito ay may kabuuang 1,750 na native tree seedlings at bamboo propagules ang itinanim sa Casiguran, Aurora, Botolan at Zambales.

Ang Philippine Environment Month ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Hunyo kada taon sa ilalim ng Proclamation No. 237 na nilagdaan noong 1988 habang World Environment Day ay ginugunita tuwing June 5 na may temang “No to Waste: Advancing Circular Economy to #BeatPlasticPollution.