PHP3-K NA AYUDA MULA KAY SEN. BONG GO DALHIN SA PAMILYA, BILIN NI GOV. OYIE SA MGA BENEPISYARYO

Pinangunahan nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Former Governor Czarina “Cherry” Umali ang pamamahagi ng Php3, 000 na ayuda sa 1576 na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation mula kay Senator Bong Go.

Sa talumpati ni Governor Oyie ay ibinilin nito na ang bawat sentimo na natatanggap ng mga Novo Ecijano mula sa iba’t ibang programa ng Lokal at Nasyunal na Pamahalaan ay marapat lamang na dalhin para sa pamilya.

Karapat-dapat din aniyang pasalamatan si Sen. Go dahil hindi nito nakakalimutan ang lalawigan ng Nueva Ecija at patuloy sa pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap na Novo Ecijano.

Ibinahagi rin ni Former Governor Cherry na naglaan din si Sen. Go ng Php50, 000, 000 para sa Malasakit Program sa ELJ na nagbibigay ng medical assistance sa mga nangangailangan nating kababayan.

Ayon kay Marijune Munsayac, Assistant Provincial Social Welfare and Development Officer, maaaring maging benepisyaryo ang kahit na sino sa lalawigan ng naturang programa dahil marami pa rin ang nangangailangan at naghahanap ng trabaho sa kasalukuyan at mapalad ang lalawigan sapagkat patuloy ang pagbaba ng tulong mula kay Sen. Go.

Sa hirap ng buhay ay makatutulong naman ng malaki kina Ronaldo Sison ng Barera, Cabanatuan City na isang manggugupit at nanay Narty na taga pitas ng kalamansi ng Macatbong, Cabanatuan City ang kanilang natanggap na ayuda, kaya naman nagpapasalamat sila sa Pamahalaang Panlalawigan at kay Sen. Go dahil patuloy silang nakatatanggap ng tulong upang makaraos sa buhay.