DAGDAG TOLL FEE SA NLEX, IPATUTUPAD SIMULA HUNYO 15
Sisimulan nang ipatupad ngayong araw ng Huwebes, ang toll rate adjustment o dagdag-singil sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX), kasunod ng pag-apruba ng Toll Regulatory Board (TRB)
Ayon kay Julius Corpus, ng Toll Regulatory Board (TRB), ganap na alas-12:01 ng madaling araw sisimulan ang implementasyon ng toll rate adjustment
Base sa pahayag ng NLEX Corp., dapat nang magbayad ang mga motoristang bumibiyahe sa loob ng open system ng karagdagang P7 para sa Class 1 na sasakyan (regular na sasakyan at SUV), P17 para sa Class 2 na sasakyan (bus at maliliit na trak), at P19 para sa Class 3 na sasakyan (malalaking trak) habang magbabayad ng 36 centavos kada kilometro ang mga bibiyahe sa loob ng close system.
Habang ang open system ay mula sa mga lungsod ng Navotas, Valenzuela, at Caloocan hanggang Marilao, Bulacan at sakop naman ng closed system ang sumasakop sa pagitan ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga kasama ang Subic.
Samantala, ang mga bibiyahe sa NLEX end-to-end sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat City ay magbabayad naman ng karagdagang P33 para sa Class 1, P81 para sa Class 2, at P98 para sa Class 3 na sasakyan.
Ipinaliwanag ng kumpanya na ang mga bagong rate ay bahagi ng authorized periodic adjustments noong taong 2012, 2014, 2018, at 2020.
Pahayag ng NLEX,
pinayagan ng TRB na kolektahin ng NLEX ngayong taon ang pang-apat at huling tranche ng 2012 at 2014 periodic adjustments at kalahati lamang ng 2018 at 2020 increases upang makatulong na pigilan ang kasalukuyang sitwasyon ng inflationary at mapawi ang epekto nito sa mga gumagamit ng expressway.
Nabatid na mananatili pa rin sa lumang rate ang mga public utility jeepney sa ilalim ng NLEX Pass-ada at Tsuper Card discount at rebate programs ayon pa sa NLEX.