PAGPAPAUTANG SA MGA MAGSASAKA, GAWING SIMPLE AT MAAYOS, PANAWAGAN SA GOBYERNO
Nanawagan sa gobyerno ang grupong Philippine Chamber of Agriculture and Food o (PCAF) na maglaan ng maayos at simple na sistema ng pautang para sa mga magsasaka sa buong bansa.
Bagaman mayroon nang nakalaang pautang para sa kanila ang pamahalaan, sinabi ni PCAF President Danilo Fausto na maraming magsasaka ang hindi nakapagtapos ng elementarya at sekondarya kaya’t nahihirapang makapag-comply sa mga requirements habang ang iba naman ay nahihiyang pumasok sa bangko.
Maliban dito, umapela rin ang grupo na magkaroon ang national government ng mga extension workers para makatulong sa mga magsasaka sa paghahanda ng mga technical details ng kanilang loan, katulad ng cash flow, loan proposals, balance sheet at iba pang kakailanganin ng mga bangko.
Dagdag pa ni Fausto, marami man ang may mga programang pautang sa mga magsasaka, napipilitan pa rin ang mga ito na manghiram sa mga loan shark at mga traders na lalo pang nagpapahirap sa mga ito.