BALUT NA IBEBENTA SANA SA DAVAO DEL NORTE, NAGING SISIW

Nasorpresa ang pamilya ni Charlene Prado ng Tagum, Davao Del Norte nang maging sisiw ang ilan sa binili nilang itlog na gagawin sanang balut para mailako.

Umani ng mahigit 10, 000 reactions at 18, 000 shares ang ipinost na video ni Charlene sa kanyang Facebook account na may caption na “gusto ko lang naman magluto ng balut”, at samu’t saring komento ang natanggap nito.

Ayon kay Charlene, apat na buwan na silang nagtitinda ng balut kaya noong May 15, 2023 nang mamili sila ng isang tray ng balut at isang tray ng penoy na kanila sanang ibebenta.

Kwento ni Charlene, sinabihan na siya ng kanyang mga kapatid na lutuin na agad ang mga itlog dahil baka mapisa ang mga ito at hindi maibenta.

Umabot pa ng May 28, 2023 bago nila naisipang ilaga ang mga balut at nagulat sila nang marinig ang mga huni ng sisiw sa magkapatong na tray ng mga itlog.

Bago buksan ng kapatid ni Charlene ang mga tray ay inihanda nito ang kanyang cellphone upang makunan ito ng video at nang mabuksan nga ay bumulaga sa kanila ang nasa 10 sisiw.

Pagkalipas aniya ng ilang araw ay may 5 pang namisa sa mga itlog ngunit 6 lamang sa mga ito ang nakasurvive.

Inilagay nila ang mga sisiw sa isang aquarium tsaka nilagyan ng ilaw upang mabuhay at maalagaan.

Sa kabila aniya ng marami ang natuwa ay marami din aniya ang nangbash sa kanya at sinabing for the content lang o gawa-gawa lamang ang kanyang video, na hindi na lamang daw niya pinapansin dahil alam niya sa kanyang sarili na hindi niya ito gawa-gawa lang.