MANGINGISDANG PINOY, UMABANTE SA AMERICA’S GOT TALENT
Aabante na sa next round ng America’s Got Talent ang mangingisdang Pinoy at mang-aawit na si Roland Abante o kilala bilang si “Bunot”.
Napabilib ng 38 anyos na tubong Visaya ang mga hurado sa kanyang pag-awit ng sariling rendition ng “When A Man Loves A Woman” na pinasikat ng American singer na si Percy Sledge noong 1966.
Emosyonal na ibinahagi ni Roland sa mga hurado at manunuod, sa pamamagitan ng isang interpreter, na pangarap lamang niya dati ang makatuntong sa entablado ng America’s Got Talent na pinapanuod lamang niya noon gamit ang kanyang cellphone.
Sinabi din ni Roland na maliban sa pangingisda sa umaga bilang hanapbuhay ay tricycle driver at delivery boy naman ito sa hapon.
Komento ng paboritong judge ni Roland na si Simon Cowell, hindi aniya nito inakalang ganoon ang magiging performance ni Roland dahil nakikita niya itong kinakabahan ng husto kaya pinuri niya ang magaling na pag-awit nito at sinabing isa itong mahusay na audition.
Nauna nang sumali si Roland sa “Tawag ng Tanghalan” anim na taon nang nakararaan at tinanghal bilang daily winner.
Naging daan naman ito upang makapagtrabaho siya sa isang entertainment complex sa Pasay City at wala ng ibang naging balita ukol sa kanya.
Ginulat na lamang ni Roland ang mundo nang mapanuod ang audition nito sa America’s Got Talent na umani ng standing ovation at nakakuha ng apat na yes sa mga hurado.
Naging dahilan din ito upang balikan ng mga netizens sa Youtube ang naging performance nito sa “Tawag ng Tanghalan.”