BREAKDOWN NG MGA BAYARIN NG CONSUMER, INILABAS NG NGCP
Inilabas ng National Grid Corporation of the Philippines ang detalyadong impormasyon tungkol sa transmission charges na kasama sa electric bill ng mga consumer.
Paliwanag ng NGCP, ang mga sinisingil ay sumasaklaw sa delivery at balancing ng high voltage electricity mula sa generators patungong distribution utilities, na tinitiyak ang supply ng kuryente sa buong bansa.
Sa kabuuan ng electricity bill, humigit kumulang 3.5 percent ay napupunta sa transmission charge. Ibig sabihin, sa bawat pisong nagagastos sa konsumo, mayroong P0.04 ang kontribusyon ng mga consumer para sa transmission charge.
Ang generation charge na siyang pinakamalaking bayarin na umaabot sa 56.19 poryento ay ang halaga ng produksiyon ng kuryente samantala ang transmission charge ay ginagamit para sa paghahatid ng kuryente.
Kabilang sa transmission charge ay ang Power Delivery Service charge, System Operator charge, Metering Service Provider charges, kasama ang Connection and Residual Subtransmission charges na may mga kinalaman sa pagdedeliver ng kuryente mula sa grid at sa mga distribution utility.
1.54 percent naman ang ipanapataw ng NGCP para sa ancilliary service charge na isang pass-through fee na kinokolekta ng mga grid operator at direktang ipinapasa sa mga service provider.
Inilatag ng korporasyon ang breakdown ng mga binabayaran ng mga konsyumer bilang sagot sa mga tumutugis sa kanila partikular na ang senado dahil mula pa noong 2009 ay madalas ng matanong ang kumpanya ukol sa mga sinisingil sa konsyumer at gayundin sa mga hindi pa natatapos na proyekto nito.
Ang NGCP, bilang backbone ng power transmission system ng bansa ay may mahalagang papel upang matiyak ang tuluy-tuloy na daloy ng kuryente mula sa mga generator patungo sa mga distribution utilities.