MAHIHIRAP NA NA-CONFINE SA MGA PRIVATE HOSPITALS, TINUTULUNGAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Maliban sa Malasakit Center na maaaring lapitan ay pinalawak pa ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagtulong sa mga mahihirap na pamilyang Novo Ecijano na nangangailangan ng tulong medikal .

Ito ay matapos na maaprubahan sa 18th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa kasunduan sa pagitan ng anim na private hospitals sa probinsya para sa credit line sa pagbibigay ng financial assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Ayon kay Lany Ercillo, Assistant Social Welfare Department Head ng PSWDO, may mga pagkakataon na napupunta sa mga pribadong ospital ang ilan sa mga nagkakasakit na Novo Ecijano dahil minsan ay puno ang mga pampublikong ospital.

Kahit na kapos ay wala aniyang magawa ang ilan sa kanila lalo na kapag emergency o biglaan ang pagkaka-ospital ng kanilang mga kaanak.

Sa pamamagitan aniya ng Memorandum of Agreement kung saan bibigyan ang mga qualified beneficiary ng guarantee letter na pirmado ni Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis na magmumula sa Provincial Government ay makakaawas na sila sa kanilang gastusin sa ospital.

Kinakailangan lamang dalhin ang mga sumusunod na dokumento sa tanggapan ng PSWDO:

  • CLINICAL OR MEDICAL ABSTRACT
  • HOSPITAL BILL
  • ORIGINAL CERTIFICATE OF INDIGENCY OF PATIENT AND CLAIMANT
  • PHOTO COPY NG ID NG CLAIMANT