MAHIGIT 500 NOVO ECIJANO, SUMAILALIM SA FILIPINO BRAND OF SERVICE EXCELLENCE TRAINING NG DOT REGION III AT PGNE

Sumailalim ang mahigit limang daang mag-aaral at manggagawa sa sektor ng turismo sa iba’t-ibang bayan at lungsod sa Nueva Ecija sa isinagawang Filipino Brand of Service Excellence Training ng Department of Tourism Region III katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Atty. Jose San Pedro, hindi lamang pagpapalakas ng branding ang layunin ng pagsasanay kundi ang pagpapakita ng pagka-Pilipino at tamang pagtanggap sa mga bisitang banyaga at lokal na turista sa lalawigan.

Isa sa mga itinuro sa FBSE ay ang pagbati ng Mabuhay kalakip ang paghawak ng kanang kamay sa kaliwang dibdib at pagyuko ng bahagya ng ulo.

Kabilang sa mga dumalo sa training ay ang mga tourism students mula sa hotel and restaurants at mga empleyado ng Local Government Units tulad ng Cuyapo, Llanera, Science City of Muñoz, Licab, Palayan City, Bongabon, Gabaldon, General Tinio, San Antonio, Rizal, at Guimba.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng nasabing pagsasanay kung saan target nilang maturuan ang nasa isang libong frontliners ng bawat LGUs para sa pagpapalago ng turismo sa lalawigan.