SENSITIBONG BALITA

CHINESE NATIONAL, INARESTO DAHIL SA PAGBEBENTA NG PEKENG IPHONES SA ANGELES CITY

Nahaharap sa kasong Estafa ang isang Chinese national na dinakip ng mga pulis ng Angeles City Police dahil sa pagkakasangkot umano nito sa pagbebenta ng mga pekeng smartphone.

Kinilala ni PRO3 Director PBGEN JOSE S HIDALGO JR ang suspek na si ZENG YUNSHI, Chinese national, 49 years old, at pansamantalang naninirahan sa Metro Manila.

Lumabas sa pagsisiyasat na bumili si “Rachell” ng isang bagong iPhone 14 Pro Max mula kay ZENG na halagang Php11,000.00.

Ngunit nalaman ng biktima na hindi ito orihinal kundi isang clone lamang.

Nakipag-ugnayan umano siya kay ZENG pero hindi ito tumugon , kaya iniulat niya ang mapanlinlang na transaksyon sa mga awtoridad.

Dahil dito, naglunsad ng entrapment operation noong June 20, 2023 ang Angeles City Station 3 sa harap ng Jaoville Compound, Brgy. Pandan, Angeles City kung saan nakipagkita sa suspek ang kaibigan ng biktima na si “Jess” na nagpanggap na bibili ng cellphone, at doon na nga inaresto si Zeng.