PGNE, PATULOY ANG SUPORTA SA MGA ESTUDYANTE SA EDUCATIONAL FINANCIAL ASSISTANCE PROGRAM

Sa hirap ng buhay, maraming mga kabataang Pilipino ang hindi na nakakatungtong ng kolehiyo at mas pinipili na lamang na magtrabaho. Mayroon ding mga nakakapag enroll ngunit humihinto dahil sa mga gastusin sa paaralan.

Upang maibsan ang mga out-of-school youth at college dropouts,, nagpatupad ang gobyerno ng RA 10931 o Universal Access to Tertiary Education Act na nagbibigay ng libreng tuition sa mga mag-aaral sa State Universities at College.

Sa kabila nito, marami pa rin ang hirap dahil sa kakulangan sa baon, pamasahe at iba pang gastusin sa pag-aaral. Dahil dito, ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali ay may programang Educational Financial Assistance Program na may layuning pinansiyal na makatulong sa mga mag-aaral ng kolehiyo.

Nitong June 03, 2023 lamang ay itinuloy ng PGNE ang pamamahagi ng allowance sa mga benepisyaryo ng scholarship program para sa 1st sem, school year 2022 – 2023.

Isinagawa ito sa Old Capitol para sa 112 na mag-aaral na hindi nakadalo noong unang bigayan ng allowance na ginanap noong May 27, 2023. Sa kabuuan ay may 1,239 na scholars sa lungsod ng Cabanatuan ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon sa mga benepisyaryo ng nasabing programa, malaking tulong ang nakukuha nilang 2,500 php allowance per sem para sa mga gastusin hindi lamang sa kanilang pag-aaral, kundi pati na rin sa iba pang gastusin sa kanilang tahanan.

Para naman sa mga magulang, malaking tulong din umano ang scholarship na bigay ng PGNE para kahit papaano ay mabawasan ang gastusin at problemang pinansiyal.

Nagpapasalamat ang mga mag-aaral at guardian ng mag-aaral sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa patuloy na pagsuporta sa kanila mula pa nang sila ay magsimula sa kolehiyo hanggang sa sila ay makapagtapos.