DOLE, PGNE, MAGKATUWANG SA PAGBIBIGAY NG TRABAHO SA 120 BENEPISYARYO NG SPES

Magkatuwang ang Department of Labor and Employment at Provincial Government of Nueva Ecija sa pagbibigay ng trabaho sa mga kabataang benepisyaryo ng Special Program for Employment Students o SPES sa panahon ng kanilang bakasyon sa eskwelahan.

Isang daan at dalawampung (120) mahihirap na estudyante ang kabilang sa batch 1 ng Orientation and Contract Signing ng nasabing programa na isinagawa kamakailan sa pangangasiwa ng Public Employment Service Office.

Ayon kay Provincial PESO Manager Maria Luisa Pangilinan, 60 percent na kanilang ipapasweldo ay manggagaling sa pondo ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Gov. Aurelio Oyie” Umali at Vice Gov. Anthony Umali habang 40 porsiyento naman ay mula sa DOLE.

Makakatanggap ng P11, 379 sa loob ng 20 working days ang mga piling mag-aaral na ide-deploy sa iba’t-ibang government offices sa lalawigan. Bawat estudyante ay sakop ng GSIS insurance kaya sinisiguro na ligtas ang kanilang pagtatrabaho.

Para kina Jeremy Almirol, student leader ng Manuel V. Gallego Foundation Colleges Inc. at Ivan Arimbuyutan ng Nueva Ecija Univesity and Science Technology, magiging makabuluhan ang kanilang bakasyon dahil sa halip na magpahinga sa bahay ay ginugugol ang kanilang oras sa isang summer job. Anila, hindi lamang makakatulong ang kanilang kikitain para sa sariling pag-aaral kundi pati na rin ang pagkakaroon ng panibagong skills o mga kasanayan habang sila ay mga estudyante pa.