LIBRE, DE-KALIDAD NA SUPER HEALTH CENTER, ITINATAYO NA SA 10 BAYAN NG NUEVA ECIJA

Inihayag ni Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa na kasalukuyan nang ginagawa ang sampung (10) Super Health Center sa lalawigan.

Ang nasabing proyekto ay sakop ng General Appropriations Act ng 2022 at 2023 na itinatayo sa mga strategic locations na may layuning makapagbigay ng libre at de-kalidad na serbisyong medikal sa mga mamamayan, partikular sa mga malalayong komunidad na kulang sa sapat na pasilidad sa kalusugan.

Matatagpuan ang mga ginagawang super health center sa mga bayan ng Santo Domingo, Rizal, San Leonardo, Laur, Carranglan, Zaragoza, Llanera, at Bongabon, at sa mga lungsod ng Cabanatuan at Muñoz. Inaasahan ng ahensiya na makukumpleto ang konstruksiyon ng mga bagong pasilidad sa pagtatapos ng taong ito.

Iniaalok ng SHC o tinatawag ding Primary Care Facility ang 6-in-1 package kung saan mayroon itong laboratory, diagnostic and radiologic services, pharmacy, birthing, dental at ambulance services.

Sinabi rin ni Espinosa na ang naturang programa ay nagkakahalaga ng P6 hanggang P10 milyong piso bukod pa sa P2 milyong pisong pondo para pambili ng mga medical equipment.

Nilinaw din nito na sagot ng Local Government Unit ang loteng pinagtatayuan ng pasilidad, pagbili ng mga karagdagang kagamitan at pagtatalaga ng mga personnel.

Ang Super Health Center ay isinulong ni Senator Bong Go noong 2021 sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makatutulong sa pag-decongest ng mga ospital dahil maaari nang maka-avail ang mga mamamayan ng basic and medical services dito. Ngayong taong 2023, mayroong 322 bagong facility ang itatayo sa buong Pilipinas.