5 MEDALYA, HINAKOT NG 10 ANYOS NA NOVO ECIJANA SA 21ST ASEAN AGE-GROUP CHESS CHAMPIONSHIPS

Humakot ng gintong medalya sa standard event U8 at U10 girls, 3 silver medals sa team competition of standard, rapid at blitz event; at bronze medal sa individual blitz ang 10 taong gulang na Novo Ecijana na si Millery Gen Subia sa 21st ASEAN Age Group Chess Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand, noong June 17-27, 2023.

Nakakuha ng 6.5 na puntos si Millery mula sa 9 rounds ng naturang patimpalak dahilan para makakuha ito ng gold medal.

Kabilang si Millery sa limampong players na nagrepresenta sa Pilipinas sa nasabing kompetisyon kung saan labing anim na mga bansa ang lumahok, sa kabuuan naiuwi ng Team Philippines ang 16 golds, 37 silvers at 8 bronze medals.

Ayon kay mommy Millicent Marie Subia, ina ni Millery, upang maiiwas ang kanilang anak sa paggamit ng gadgets noong pandemya ay tinuruan ito ng kanyang ama na isang coach ng larong chess at sumubok na ring sumali sa mga online tournaments hanggang sa face-to-face tournaments noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.

Nakatulong din ani mommy Millicent ang chess kay Millery upang mas maging disiplinado ito at nagagawa ding mag-excel sa kanyang pag-aaral dahil sa pagkakaroon ng high honors sa eskwelahan.

Dahil ito ang unang pagkakataon na lumaban si Millery sa labas ng bansa ay magkakahalong saya, sorpresa at proud ang naramdaman ng kanyang mga magulang dahil sa gintong medalyang naiuwi ng kanilang anak.

Proud din sa kanyang sarili si Millery dahil finally ang lahat ng kanyang mga hirap ay nabigyan ng gantimpala at mas pagbubutihin pa niya ang kanyang training sa tulong ng kanyang ama dahil nais niyang makamit ang Grand Master title.
Nagpasalamat naman sina mommy Millicent at Millery kina Governor Aurelio Umali , Vice Governor Anthony Umali at sa iba pang sumuporta at nagbigay ng tulong pinansyal sa kanila sa naging journey ni Millery sa naturang kompetisyon sa Thailand.

Muli ding sasabak si Millery sa July 29-August 5, 2023 sa Palarong Pambansa kung saan irerepresenta niya ang Region III.