MGA SIKLISTANG NOVO ECIJANO, NAGBULSA NG 4 NA MEDALYA SA PHILIPPINE NATIONAL ROAD CYCLING CHAMPIONSHIPS
Karangalan sa larangan ng road cycling ang muling naiuwi ng mga Novo Ecijanong siklista dahil sa kanilang pagkakabulsa ng 2 gintong medalya, isang silver medal at 1 bronze medal sa katatapos na Philippine National Road Cycling Championships na ginanap sa Tagaytay City.
Hinirang na Junior National Champion sa Men’s Junior Criterium Race si Jhayrel Julian, Junior National Champion sa Men’s Youth Individual Time Trial Race si Darius John Villaseñor, silver medalist sa Men’s Elite Individual Time Trial Event si Gilbert Valdez at bronze medalist sa Men’s Junior Individual Time Trial Event si Ruzel Agapito.
Ang mga siklistang ito ay bahagi ng BP Pagcor Developmental Cycling Team o kilala din bilang Batang Placido Developmental Cycling Team.
Ayon sa kanilang coach na si Gerald Valdez, dumaan sa matinding training ang mga batang ito na nasa apat o mahigit na buwan pa lamang niya nadidiskubre at nakitaan na kaagad niya ng malaking potensyal upang maging kampeon sa larangan ng cycling.
Nilahukan naman aniya ng 700 participants ang naturang patimpalak at maliban sa kanilang team ay may iba pa aniyang Novo Ecijanong mga siklista ang nakapag-uwi din ng mga gintong medalya mula sa iba pang team.
Patunay lamang aniya na ang mga Novo Ecijano ay talentadong mga siklista na maaari pang mas mahasa upang patuloy na makapagbigay ng karangalan sa lalawigan.
Mensahe nito sa mga nagsisimula pa lamang sa larangang ito na huwag mawalan ng pag-asa dahil walang nagsisimula nang magaling na kaagad, nangangailangan aniya ito ng sipag at tiyaga.
Nakatakda namang pumadyak ang BP Pagcor Developmental Cycling Team sa Kuala Baram Race Sarawak Malaysia sa darating na July 29-30, 2023.