MATAAS NA PRESYO NG SIBUYAS SA ILANG PALENGKE, PINABABALATAN NI PBBM

Pumapalo na naman sa Php 200/kg ang kilo ng sibuyas ngayon sa ilang palengke sa Metro manila, pero depende sa mga nagtitinda nito.

Sa Metro Manila nasa 200/kg ang pulang sibuyas na local at 150 naman ang putting sibuyas na local.

PHP 150 naman ang imported na sibuyas.

Pero dito sa bagsakan ng gulay sa Cabanatuan City ay nasa Php 120—160 pa rin ang halaga kada kilo.

Ngunit sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang basehan ang matinding pagtaas ng presyo ng sibuyas ngayong taon.

Mayroon lang talaga umanong mga hoarder, at mapagsamantala na iniipit ang supply para maitaas ang halaga nito kasabay pa ng smuggling.

Kaya ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagsisiyasat sa pagpupuslit ng sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura, kung saan tinatawag ang naturang pagkilos katumbas ng pagsasabotahe ng ekonomiya.

Ayon sa pangulo, nagbigay sya ng direktiba sa DOJ at NBI na simulan ang imbestigasyon sa hoarding, smuggling, at price fixing ng mga agricultural commodities.

Sa isinagawang hearing sa kamara ay natuklasan ni Congresswoman Stella Quimbo na mayroon ngang smuggling sa sibuyas.

Sa isang Memorandum sa Pangulo ni Marikina Rep. Quimbo, na namuno sa Committee on Agriculture and Food hearings sa House of Representatives, sinabi niya na natuklasan ang malaking ebidensya na nagtuturo sa pagkakaroon ng kartel ng sibuyas habang binibigyang-liwanag niya ang mga dahilan sa likod ng pagtaas ng presyo ng sibuyas noong 2022.

Sinabi niya na ang kartel, na pangunahing nagpapatakbo sa pamamagitan ng Philippine VIEVA Group of Companies Inc. (PVGCI), ay nakikibahagi sa iba’t ibang aktibidad kabilang ang pagsasaka, pag-aangkat, lokal na kalakalan, warehousing, at logistics.