PROVINCIAL GOVERNMENT, CLARRDEC, MAGKATUWANG SA PAG-UNLAD NG AGRIKULTURA AT PANGINGISDA SA REGION 3

Aprub sa 19th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda bilang kinatawan ng Provincial Government sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Central Luzon Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development Consortium (CLARRDEC) para sa mahusay na pamamahala at koordinasyon sa Enhanced Regional Collaborative Program for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development in Region 3.

Ayon kay Dr. Jayson De Guzman, Assistant Provincial Agriculturist, sa pamamagitan ng MOA ay patuloy na magiging kaagapay ng CLARRDEC ang Pamahalaang Panlalawigan para sa pagpapalawig ng mga research and development sa pag-aagrikultura at palaisdaan sa rehiyon.

Sinabi ni Dr. Jayson na magiging kabahagi ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga pagsasaliksik na ito sa pamamagitan ng paggamit sa mga pasilidad, man power at mga proyektong isinasagawa sa probinsya na may kinalaman sa agrikutura at palaisdaan.

Kabilang na dito ang Nueva Ecija Hatchery na nasa loob ng Nueva Ecija Fruit and Vegetable Seed Center sa Central Luzon State University, kung saan nagkakaroon ng tilapia fingerlings production.

Inihayag din ni Dr. Jayson na patuloy ang pamamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng libreng fingerlings ng tilapia at hito sa mga magsasakang Novo Ecijano kaagapay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Mapakooperatiba man o indibidwal ay maaari din aniyang mapagkalooban ng mga binhi ng tilapia na matagal na o may karanasan na sa pag-aalaga ng isda.