12% VAT SA 59 GAMOT PARA SA CANCER AT IBA PA, TINANGGAL NG BIR
Tinanggal na ng Bureau of Internal Revenue o BIR ang Value Added Tax o VAT sa 59 na gamot para sa sakit na Cancer, Hypertension, High Cholesterol, Diabetes, Mental Illness, Tuberculosis at Kidney Disease.
Base sa inilabas na Revenue Memorandum Circular 72-2023, inaprubahan ng BIR ang listahan ng 12 porsiyentong VAT-exempt na produkto sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law at “Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises” o (CREATE) Law.
Ang nasabing hakbang ay batay sa rekomendasyon ng Food and Drug Administration na nasa ilalim ng Department of Health.
Sinabi ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., ang paraang ito ay naglalayong gawing mas abot-kaya ang presyo ng ilang gamot sa mga mamimili na mayroong naturang sakit.
Samantala, inalis ng BIR ang Ixekizumab solution sa listahan ng mga exempted sa VAT batay na rin sa rekomendasyon ng DOH.
Batay umano sa isinagawang pag-aaral sa naturang gamot ito ay para sa mga pasyenteng may moderate hanggang severe na plaque psoriasis at hindi para sa kanser.