NAG-IISANG PASAHERO NG EROPLANO, VIRAL SA AMERIKA
Isang pasahero ng eroplano ang nakaranas ng VIP flight matapos na nagkaroon ng pagkakataon na masolo ang eroplano mula Oklahoma City patungong Charlotte, North Carolina.
Dahil sa masamang panahon ay nakaranas ng 18 oras na pagkaantala sa kanyang flight si Phil Stinger, isang Real Estate Broker na taga North Carolina.
Masuwerteng nasolo nito ang kaniyang flight matapos ang 18 oras na delay nang magsiuwian na ang mga kapuwa niya pasahero sa Amerika.
Habang nasa boarding gate, inakala ni Stringer na siya na lang ang hinihintay ng eroplano, pero sinabi ng mga staff ng American Airlines na siya lang talaga mag isa ang sasakay na pasahero.
Ayon kay Phil ibinigay naman sa kanya ang mga pagkaing gusto niya at para rin umano siyang sumakay sa isang private plane, bukod pa rito na naging kaibigan pa raw niya ang mga crew ng naturang airlines.
Ayon pa sa mga netizen deserve niya rin ang solo flight dahil naghintay ito ng 18 oras bago makauwi sa kanila sa North Carolina.
Bago ito, pitong beses na-delay ang flight dahil sa masamang panahon, kaya ang lahat ng iba pang mga pasahero na orihinal na naka-iskedyul na kasama niya sana sa eroplano ay nag-book ng kanilang sarili sa iba pang mga flight.
Ngunit tiniis ni Stringer ang 18 oras na delay dahil kailangan niyang makaalis para sa trabaho.
Hanggang sa isinusulat ito ay umabot na sa 60 milyong views ang video ni Stringer sa Tiktok.