ENRO, KATUWANG ANG ILANG ORGANISASYON SA PAGSASAGAWA NG TREE PLANTING SA CARRANGLAN

Nagpamigay ang ENRO o Environment and Natural Resources Office ng dalawang daang seedlings ng Narra, Molave at Tui na itinanim sa 80 hectare NEPG Tree and Bamboo Plantation sa Carranglan, Nueva Ecija nitong dagdaang June 24, 2023.

Sama-samang isinagawa ng ENRO, Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office o PCEDO, CLSU Extension Program Office at Shalom Club of Nueva Ecija ang nasabing tree planting.

Taon-taon ay nagtatanim ng puno ang Shalom Club of Nueva Ecija. Ngayong taon ay nakiisa ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ni PCEDO Officer in Charge Lorna Vero na humiling ng mga seedlings sa ENRO bilang pagsuporta sa selebrasyon ng Philippine Arbor Day o National Tree Planting Day.

Ang Arbor Day ay ang araw kung saan hinihikayat ang mga mamamayan o mga samahan na magtanim ng puno na ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Hunyo.

Paliwanag ni ENRO Adelino Justo, hindi lang nakakatulong ang ganitong uri ng aktibidad sa kalikasan, bagkus ay nasusuportahan din nito ang mga mamamayan ng Carranglan dahil nabibigyan sila nito ng trabaho bilang taga-bantay at taga-pangalaga sa nasabing plantation.