NOVO ECIJANA, KABILANG SA GILAS PILIPINAS WOMEN’S BASKETBALL NA NAG-UWI NG 6TH PLACE SA FIBA ASIA CUP 2023

Muling pinatunayan ng 25 anyos na si Mikka Cacho ang galing ng mga Novo Ecijano sa larangan ng sports dahil kabilang ito sa Gilas Pilipinas Women’s Basketball Team na sumabak at nag-uwi ng 6th place sa FIBA Asia Cup noong June 26-July 2, 2023 sa Sydney, Australia.

Nasa Division A ng naturang patimpalak ang Pilipinas kung saan nakaharap ng mga ito ang pinakamalalakas na koponan.

Gumuhit ng kasaysayan ang Philippine National Women’s Basketball Team nang gibain ang Chinese-Taipei, 92-81 sa naturang torneo, ang unang tagumpay mula nang ma-promote sa Division A ang Gilas Pilipinas Women noong 2015.

Ayon kay Maricel Wamil, ina ni Mikka, ito ang unang pagkakataon na naglaro ang kanyang anak bilang bahagi ng Gilas Pilipinas Women’s Basketball Team sa FIBA Asia Cup.

Nakakuha din ng silver medal si Mikka sa unang sabak sa women’s 3×3 basketball team ng 32nd Southeast Asian Games.

Kwento ni Maricel, bata pa lamang ay nakahiligan na ni Mikka ang paglalaro ng basketball dahil basketbolista din silang mag-asawa at magmula ng tumuntong ng High School ay nangarap nang makapaglaro bilang kinatawan ng lalawigan at maging ng bansa sa iba’t ibang patimpalak.

Naglaro din siya bilang bahagi ng National University bulldogs sa University Athletic Association of the Philippines o UAAP.

Nangamba man daw nung una si Maricel sa kahihinatnan ng anak sa sports na ito ay sinikap niyang masuportahan ang anak at pinatunayan naman ni Mikka na may patutunguhan siya sa pagdidribol at pagshoot ng bola sa ring.

Pupuntos naman muli si Mikka bilang bahagi ng Uratex Dream Team sa darating na Setyembre sa Red Bull 3×3 World Finals sa Belgrade, Serbia.