LIBRENG PAGSASANAY NG MGA KABATAANG NAIS MAGNEGOSYO, INIAALOK PA RIN NG DTI
Iniaalok pa rin ng Department of Trade and Industry- Nueva Ecija ang Youth Entrepreneurship Program o YEP para sa mga kabataang naghahangad magnegosyo.
Layunin ng programa na mabigyan ng kamalayan at pagsasanay ang nasa edad 18 hanggang 30 upang maturuan ng tamang pagnenegosyo at tulungan ang mga walang kakayahan na makapaghanapbuhay.
Patuloy na hinihikayat ni DTI Provincial Director Richard Simangan ang mga batang negosyante na sumali sa programang ito.
Nakikipag-ugnayan din ang ahensiya sa mga unibersidad at kolehiyo sa lalwigan upang maihatid at mapaliwanag sa mga kabataan ang Youth Entrepreneurship Program.
Ilan sa mga ito ay ang Nueva Ecija University of Science and Technology, Central Luzon State University, Wesleyan University of the Philippines, Manuel V. Gallego Foundation Colleges Inc., at Holy Cross College.
Sinabi rin ni Simangan na maaaring magtungo sa mga Negosyo Center ng DTI sa kani-kanilang bayan at lungsod upang sila ay mai-assist ng tama.
Dahil sa YEP, may mga kabataan nang lumalahok sa mga trade fair na isinasagawa ng ahensiya kung saan ay nakapagbebenta at kumikita na mula sa kanilang sariling produkto.