MGA KAWANI NG PROVINCIAL GOVERNMENT, BAHAGI NG MAS MALAWAK NA PAGPAPLANO NI GOVERNOR OYIE PARA SA LALAWIGAN
Bahagi ng mas malaki at malawak na plano para sa kapakanan ng mga Novo Ecijano ang bawat kawani ng Provincial Government bilang mga lingkod bayan, ito ang pahayag ni Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) chief Rosetten Tugaff sa isang panayam.
Kamakailan ay isinagawa ng PHRMO ang regular at taunang aktibidad na oryenstasyon sa mga bagong empleyado ng pamahalaang panlalawigan patungkol sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad base sa mga umiiral na alintuntinin sa pamahalaan para sa pagsisilbi sa bayan.
Inilatag din sa kanila ang kanilang mga benepisyo at karapatan bilang mga bagong kawani ng provincial government na naaayon sa guidelines ng Civil Service Commission at mga batas na pumoprotekta sa interest ng mga mangaggawa sa pamahalaan.
Instrumento ani Tugaff ang kanilang tanggapan sa malawak na malasakit ng pamumuno ni Governor Aurelio Umali para sa kapakanan, interest at galing ng mga manggagawa.
Pangunahing hangad ani Tugaff ng kanilang opisina ang pagbibigay kabatiran o karunungan sa bawat kawani upang magampanan ang kanilang pangunahing tungkulin na maihatid sa mga mamamayang Novo Ecijano ang mga programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan.
Nagpapasalamat naman si Tugaff sa pamunuan nina Gov. Oyie at Vice Governor Anthony Umali dahil sa patuloy na pagbibigay suporta sa kanilang tanggapan upang mas mapaghusay ang kanilang paggampan sa kanilang pangunahing layunin sa pagseseribisyo.