PHP350-MILLION NA BAGONG TULAY NG VALDEFUENTE, MAPAPAKINABANGAN PA BA?
Mukhang matagal-tagal pa talaga bago mapakinabangan ang bagong Valdefuente or General Luna Bridge sa Mayapyap Sur, Cabanatuan City kaya matagal pa ring magtitiis sa pagsisikip ng trapiko ang mga mamamayan at motoristang bumibyahe mula Cabanatuan patungong bayan ng Talavera vice versa.
Dahil hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin umano ang expropriation case na inihain ng Department of Public Works and Highways Region 3 sa Office of the Solicitor General laban sa dalawang may-ari ng lupa na dadaanan ng approach ng nasabing tulay.
Ayon sa DPWH Region 3, ongoing ang acquisition ng right of way para sa tulay at nakatakda naman ang kanilang meeting sa isa sa mga may-ari ng lupa ngayong linggo.
June 14, 2018 sinimulan ang konstruksyon ng Phase 1 ng General Luna Bridge at natapos noong June 18, 2019 na pinondohan ng halos Php140 million mula sa national government.
Habang ang second phase nito ay sinimulan noong August 6, 2019 at nakumpleto noong February 1, 2021 na may pondong mahigit sa Php94 million, at ang third phase kung saan kasama ang putol na approach na hindi pa maumpisahan at hindi pa alam kung kailan matatapos ay nagkakahalaga ng Php120 million.
Limang taon nang ginagawa ng contractor na Rebcor Construction and Trading Corporation at Christian Ian Construction Corporation ang multi-year project na ito na inaasahang magpapaluwag sana ng trapiko ngunit nagiging sanhi pa ngayon ng tatlong oras na pagdurusa ng mga mamamayan at motorista.