ARTIST SA ANTIPOLO, DRAWING ANG CAKE SA KANYANG KAARAWAN

Gusto nyo bang magpagawa ng cake? Kahit ilang layer pa yan, pero ito ay cake na hindi kinakain, kundi cake na inyo lamang pagmamasdan dahil sa tila makatotohanang pagkakaguhit dito.

Ito ay likha ng artist na si Nhikko Cuevas mula sa Antipolo na nagdiwang ng kanyang ika-dalawampu’t apat na kaarawan noong July 9.

Sa panayam kay Nhikko sa pamamagitan ng messenger ay sinabi nitong sa halip na ipambili pa ng cake para sa kanyang birthday ang nasa Php500 o higit pa na ilang oras ding pagtatrabahuhan bago kitain ay ipambibili na lamang daw niya ng bigas at pang-ulam para sa ilang araw nilang konsumo.

Para aniya may maipost siya sa kanyang social media account para batiin ang kanyang sarili tuwing araw ng kanyang kapanganakan ay nagdra-drawing na lamang aniya siya ng kanyang birthday cake.

Gamit ang mga medium na charcoal powder, color pencils at acrylic at iba pang affordable na maaaring gamiting materyales ay pinagkakakitaan na ni Nhikko ang kanyang talento sa pagguhit ng tila makatotohanang mga larawan ng tao, hayop at scenery o mga tanawin.

Ilan sa kanyang naiguhit na ay ang iniidolong si KZ Tandingan na natuwa sa kanyang likha.

Sa pamamagitan din aniya ng kanyang talento ay naitatagpos nila ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa bahay.

Dalawa naman sa mga iginuhit na cake ni Nhikko ang binigyang katotohanan ng isang sikat na tindahan ng cake at pinadalhan siya noong July 12.