20 KANDIDATA, MAGLALABAN-LABAN SA 3 TITULO AT KORONA NG BINIBING NUEVA ECIJA 2023
Opisyal nang ipinakilala ng Provincial Tourism Office ang 20 official candidates na sasabak sa Binibining Nueva Ecija 2023.
Inanunsiyo ito matapos sumabak ang mga kandidata sa final screening na ginanap sa SM City Cabanatuan noong July 8, 2023.
Kabilang sa mga napiling binibini ay nagmula sa Pantabangan, San Leonardo, Guimba, Aliaga, Talavera, San Jose City, Zaragoza, San Antonio, Cabanatuan City, General Natividad, Santa Rosa, Lupao, LLanera, Palayan City, at Cabiao.
Ayon kay Provincial Tourism Officer Atty. Jose San Pedro, ang 20 beauty queen ay maglalaban-laban para sa tatlong titulo at korona- ang Binibining Nueva Ecija 2023, Binibining Nueva Ecija Tourism at Binibining Nueva Ecija Culture and Heritage. Bukod pa rito ay may tatanghalin ding dalawang runners-up.
Dagdag pa ni San Pedro, sa mga susunod na araw ay sasalang ang mga kalahok sa Press Presentation, Casual Wear Competition, Swimsuit Competition, Provincial Costume Competition at Talent Competition.
Nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si San Pedro kina Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Anthony Umali sa patuloy na pagsuporta sa mga programa ng kanilang tanggapan.